
ALT pamagat: sa diliman, ating ipapaglandakan i. alam natin pareho, kung may altar ang milagro, hindi magarbo ang ating trono. pero dinig ng mga santo—kahit mga hindi kilala—kung paano kita sambahin at naging laman ng bawat panalangin. akala niyo ba, ang pagmamahal ko ay para sa kataas-taasan? sino ba kayo? ii. anak tayo ng diyos, weh? mas banal pa nga ang aso sa paningin ninyo. sabi nila, anuman ang iyong ginagawa sa iyong kapatid ay iyo rin para maranasan. kaya pala panay samba't pagrorosaryo ang santong kabayo na iyan. nilibot ang sanlibutang hinahabol ang katotohanan kahit tinatapakan ang luwalhati.

ALT iii. sa gitna ng katipunan, sa dulo ng pakikibaka, at sa ating pagsasalubong sa bahaghari, tayo ay ehemplo ng ating sariling talinghaga. at hanggang ang sugat ay lumikha ng sariling sulat. tayo ang manunulat ng ating sariling kinaibuturan. iv. dito matatagpuan ang tunay na paraiso. sa diliman, kung saan hahagkan kita sa pasakit na ipinapataw ng demonyo. at sa diliman, kung saan hahalikan kita sa harap ng mga dilang anghel. makikita rito ang himala dahil sa pag-ibig na totoo.





















