Iba’t ibang grupo, nagkilos-protesta sa Camp Aguinaldo; kinondena ang umano’y militarisasyon sa mga komunidad | via CATH AUSTRIA
Complaint referral para imbestigahan ang mga host at producer ng Machong Chismisan podcast, inihain sa NBI | via JIGO CUSTODIO
Resolusyong naglalayong himukin ang DFA na irekomendang gawing persona non grata si Ambassador Jing Quan, inihain na sa Senado
| via ANNE CORTEZ
Palasyo, iginiit na hindi uurong sa pagtatanggol sa interes ng Pilipinas sa gitna ng tensyon sa China | via MARICAR SARGAN
Pag-deny ni VP Sara na may Jollibee ito, kinwestyon ng prosekusyon; Mga ebidensyang hinihingi ng Ombudsman, handa na
Muling pinabulaanan ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang alegasyong 'trouble maker' ang Pilipinas o ito ang nagpapalala ng tensyon sa West Philippine Sea.
Ito na lang ang naging tugon ni Teodoro sa naging tanong sa kanya ni Senador JV Ejercito sa budget hearing kung paano nila hinaharap ang nakaraang 'we may easily win' remark ni Chinese Ambassador to the PH Jing Quan.
Ayon sa kanya, kung babalikan, hindi lang ito ang unang beses nagbanta si Jing dahil noon pa man ay mayroon na raw itong nabanggit na pahayag na para ring lumabas na banta sa bansa.
Sa ngayon, bilang ipinatawag na ng Department of Foreign Affairs ang naturang ambassador, sinabi niya na mainam na hintayin muna ang magiging development dito.
Sa huli, iginiit niya na hindi lang sa nakaraang remark ng naturang ambassador sila pumapalag dahil tutol din sila sa mga 'false narrative' umano ng mga ito katulad ng may nine-dash line at may karapatan sila na makapag-operate sa karagatan ng Batanes. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/dnd…
Naghahanda na ang Department of Education (DepEd) ng mga bagong panuntunan para sa posibleng matinding init at kakulangan sa tubig dulot ng El Niño, kabilang ang pagpapatupad ng flexible learning at suspensyon ng mga klase kung kinakailangan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong maprotektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral habang tinitiyak na magpapatuloy ang edukasyon sa School Year 2026–2027.
Kasunod ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na posibleng magkaroon ng malakas hanggang napakalakas na El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027.
Sa ilalim ng tinatawag na '4H framework' 'o 'yung 'Hayo, Hinay, Hinga, at Hinto', may apat na antas ng pag-aadjust sa klase depende sa aktuwal na kondisyon ng panahon at mga paaralan.
Sa unang antas na Hayo, magpapatuloy ang face-to-face classes ngunit magkakaroon ng regular na water breaks, pag-iwas sa outdoor activities sa matinding init at pagpapahintulot sa mas preskong kasuotan.
Sa ikalawang antas na Hinay, maaaring paikliin o baguhin ang iskedyul ng klase at gumamit ng home-based o hybrid learning kung may nararanasang heat stress.
Sa ikatlong antas na Hinga, babawasan nang malaki ang mga gawain at aralin kung matindi ang init o may kakulangan sa tubig, habang sa pinakamataas na antas na Hinto ay sususpindihin ang mga gawaing pang-akademiko kung nanganganib na ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Inaatasan din ang mga paaralan na suriin ang bentilasyon ng mga silid-aralan, supply ng tubig at kuryente, at tiyaking may sapat na learning materials kung kailangang lumipat sa alternative learning arrangements.
Maghahanda rin ang DepEd ng mga hakbang upang hindi maantala ang School-Based Feeding Program, kabilang ang pag-iimbak ng mga pagkaing hindi madaling masira at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa supply ng pagkain.
Binigyang-diin din ng DepEd na bawal obligahin ang mga magulang na gumastos para sa mga pampalamig, internet connection o espesyal na kasuotan bilang kondisyon sa pagpapatupad ng flexible learning. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/mga…
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice Admiral Rommel Supangan bilang bagong Commandant ng Philippine Coast Guard o PCG.
Graduate si Supangan ng Philippine Military Academy Marilag Class of 1995. Nagtapos din siya ng Master of Science in Maritime Affairs, major in Marine Environment and Ocean Management, sa World Maritime University sa Sweden noong 2008.
Bago ang kanyang bagong appointment, nagsilbi siyang Commander ng PCG Marine Environmental Protection Command mula Feb hanggang Oct 2026, at Commander ng Coast Guard Fleet mula June 2025 hanggang Oct. 2026.
Nagsilbi rin siyang Acting Director ng Coast Guard Strategic Studies and International Affairs Center mula June 2025 hanggang Oct 2026.
Isinagawa ngayong hapon ang Change of Command Ceremony, kasabay ng Retirement Ceremony para kay outgoing PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Pangulong Marcos si Gavan sa kanyang pamumuno sa PCG na anya’y may integridad at katapatan.
Sa ilalim daw ng pamumuno nito ay naging handa, matatag at maaasahan ang PCG.
Tiwala naman ang Punong Ehekutibo sa kakayahan ni Admiral Supangan na magampanan ang bago nitong tungkulin. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/bag…
Ipinatigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang operasyon ng anim na barko ng Atienza InterIsland Ferries Inc., ang kumpanyang nagpapatakbo sa MV June Aster na nasunog noong September 9 at ikinasawi ng hindi bababa sa 77 katao.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, naglabas ang DOLE ng work stoppage order laban sa anim na barko matapos matuklasan ang mga paglabag sa occupational safety and health standards, kabilang ang kawalan ng safety officer at kinakailangang safety programs.
Kabilang sa mga pinatigil ang MV Star San Carlos, MV September Tulips, MV December Poinsettia, MV October Lavender, MV May Lilies at MV November Cattleya, na kasalukuyang nakadaong sa Navotas.
Nilinaw naman ng DOLE na dapat patuloy na tumanggap ng sahod ang mga apektadong empleyado habang umiiral ang work stoppage order dahil ang mga natukoy na paglabag ay pananagutan ng employer.
Binigyan ang kumpanya hanggang October 23 upang tumugon at sumunod sa mga ipinag-uutos ng ahensya, habang maaaring patawan ito ng ₱10,000 multa kung hindi makasusunod.
Matatandaang nasunog ang MV June Aster sa karagatan malapit sa Coron, Palawan, kung saan ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), posibleng nakatulong sa pagkalat ng apoy ang hindi maayos na pagkakalagay ng mga kargamentong chlorine at asphalt. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/6-n…
Inihain na ngayong araw ni Senador Erwin Tulfo sa Senado ang Proposed Senate Resolution No. 739 na naglalayong himukin ang Department of Foreign Affairs na irekomendang gawing persona non grata sa Pilipinas si Chinese Ambassador to the PH Jing Quan.
Maalala, nag-ugat ang isyu rito matapos ang naging 'we may easily win' remark ni Jing.
Samantala, sa naging ambush interview ngayong araw, iginiit ni Tulfo na bilang tumatayong ambassador si Jing ay mahalagang mag-tone down ito sa pagsasalita bilang siya ang nagrerepresenta sa bansang China, sa mga tao nito at maging sa kanilang lider.
Ipinunto rin niya na wala siyang planong pumunta sa China, Hong Kong, Macau o sa anumang teritoryo ng mga ito.
Sa kabilang banda, bago pa raw tuluyang maideklarang 'persona non grata' sa bansa si Jing ay mas mainam kung umuwi na ito sa China ngayon pa lang.
Matatandaan, matapos ang naging isyu dala ng 'we may easily win' remark ni Jing, nagbabala ang China na maaari nitong pagbawalang pumasok sa kanilang teritoryo ang mas marami pang opisyal ng Piipinas kung sakaling ideklarang persona non grata ang naturang ambassador. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/res…
Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tutugunan ng pamahalaan ang problema sa kulang na tao at mabigat na trabaho ng mga pampublikong nurse sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Nurses Association National Convention ngayong Lunes sa Pasay City, sinabi ng Pangulo na gagawa ng paraan ang pamahalaan para mapababa ang nurse-to-patient ratio, kasabay ng mabilis na pagpuno sa mga bakanteng pwesto ng mga nurses.
Matatandaang sa ilalim ng pamantayan ng Department of Health, ang ideal ratio ay 1:12 o isang nurse para sa labindalawang pasyente.
Subalit sa actual na sitwasyon sa mga ospital, umaabot sa isa hanggang limampung pasyente ang kinakailangang alagaan ng iisang nurse sa bawat shift.
Ayon sa Pangulo, nakikipagtulungan na sila sa Department of Health, CHED, at TESDA upang mapalawak ang pagsasanay at makalikha ng mga bagong alternatibong paraan sa pag-aaral ng nursing.
Layunin nitong mapabilis ang pagpapadami ng mga lisensyadong healthcare worker upang maibsan ang overwork ng mga kasalukuyang nurse at maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga mamamayan.
Tiniyak din ng Malacañang na patuloy nilang ipaglalaban ang mga benepisyo, proteksyon, at professional growth ng mga medical frontliners sa bansa. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/pan…
Nakatakdang simulan ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation hinggil sa pagkamatay ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Wala pang kumpirmasyon kung personal na haharap sa DOJ ang mga respondents matapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Labing dalawa ang inireklamo na dating parte ng mga coaching at medical staff, maging mga athletic facility officials. Kasama rito si former basketball head coach Tab Baldwin.
Nagtipon sa labas ng DOJ ang mga tagasuporta ng pamilya Baterbonia upang muling manawagan ng hustisya para sa dalawang nasawing atleta.
Nanawagan ang vlogger at organizer ng grupo na si Adel Espejo kay Justice Secretary Fredderick Vida na tiyaking makakamit ng pamilya ng mga biktima ang patas na hustisya at proseso.
Inihalintulad ni Espejo ang kanyang karanasan bilang mahirap na bata noon sa pinagdaanan nina Baterbonia at Adili, kaya’t nakiusap siya sa kalihim na bigyang-pansin ang kanilang panawagan para sa katarungan. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/doj…
Ibinahagi ni Senador Erwin Tulfo sa kanyang opening statement sa pagdinig ng kanyang Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development na plano niyang maghain ng resolusyon o panukalang batas sa mga susunod na araw o linggo para proteksyunan ang mga senior citizen at indigenous people mula sa diskriminasyon.
Ayon kay Tulfo, palagi na lang nakakatanggap ng pangungutya ang mga IP katulad ng pagtawag sa kanila ng 'pandak', 'walang pinag-aralan' at 'taga-bundok'.
Anya, tao rin ang mga ito at nasasaktan din.
Samantala, sinabi rin niya na may iilang senior citizens ang tinatawag na 'tanda' at 'walang silbi'.
Kaya para maiwasan na ang mga kaparehong diskriminasyon, sinabi niya na isusulong niya na mapanagot criminally ang mga maaaktuhan at mapapatunayang nambubully sa IPs at senior citizens, gamit man ang salita o aksyon.
Ayon pa sa naturang senador, hindi rin pupwedeng multa lang ang kaharapin ng mga gagawa nito dahil dapat din silang makulong kung kinakailangan. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/pan…
PULSONG SERBISYO
Kasama sina Willie Delgado Jr. at Atty. Princess Abante
📺 WATCH LIVE:
📻 105.1 MHz
#PulsongSerbisyo
◍ PULSO NG BAYAN: PABOR BA KAYONG IDEKLARA BILANG PERSONA NON-GRATA SI CHINESE AMBASSADOR JING QUAN AT PALAYASIN NA SA BANSA?
Nagkilos-protesta sa labas ng Camp Aguinaldo sa Quezon City ang iba’t-ibang mga grupo kaninang umaga, October 19.
Kinokondena nila ang anila'y nagpapatuloy na militarization sa farming at indigenous communities at mga banta na kanilang natatanggap habang iginigiit ang kanilang mga karapatan sa lupa.
Ayon kay BAYAN Secretary General Mong Palatino, ginagamit umano ang mga puwersa ng militar at pulisya upang protektahan ang malalaking proyekto sa pagmimina, pagtotroso at renewable energy, habang hinaharap ng mga tumututol dito ang panggigipit at banta sa kanilang mga karapatan.
Samantala, kasama rin sa panawagan ng mga nagprotesta ang pagbabawas ng pondo para sa mga operasyong ginagamit umano sa pandarahas, pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, at paglalaan ng mas malaking pondo para sa serbisyong panlipunan.
Nanawagan din sila ng hustisya para sa 19 na indibidwal na napatay sa Toboso, Negros Occidental, na tinawag na Negros 19 massacre.
Inihayag din ni Palatino ang nakatakdang malawakang martsa patungong Malacañang sa October 21, upang panagutin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao at mga proyektong nagbabanta sa mga komunidad.
Kabilang sa mga lumahok sa kilos-protesta ang mga magsasaka mula sa Bicol, Southern Tagalog, Negros, Central Luzon at iba pang grupo. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/iba…
Nahuli na ng mga operatiba ng Philippine National Police ang suspek sa panloloob sa bahay ng celebrity chef at content creator na si Chef Myke “Tatung” Sarthou sa Rizal.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., ang suspek ay nadakip ng mga police tracker team sa Sitio Paenaan, Barangay San Jose, Antipolo City.
Mismong si Gen. Nartatez ang nag-atas sa local police na silipin ang kaso matapos mabatid ang pinagdaanan ni Chef Tatung kung saan pinabalik-balik umano ito sa iba't-ibang istasyon sa halip na bigyan ng agarang tulong ng pulisya.
Narekober ng pulisya sa operasyon ang isang travel bag na naglalaman ng iba't ibang gamit, kabilang ang mga kitchen utensils, mga dekorasyon, na nagpatibay sa pagkakasangkot ng suspek sa pagnanakaw na naganap noong September 25.
Patuloy ang imbestigasyon upang malaman kung may iba pang taong sangkot sa insidente.
Kasunod ng reklamo, pansamantalang sinibak sa pwesto ng Baras Municipal Police Station at Antipolo City Police Station ang mga tauhang sangkot habang nagpapatuloy ang resulta ng imbestigasyon. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/sus…
Agaw-pansin si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Victoria's Secret Fashion Show 2026 sa Los Angeles, California, kung saan dumalo siya bilang special guest.
Suot ni Catriona ang custom-made gown ng Filipino designer na si Job Dacon, na may black at beige rose design, corset-style na pang-itaas at mataas na slit.
Sa kanyang Instagram, ibinahagi rin ni Catriona ang ilang larawang kuha ni BJ Pascual mula sa kanyang pagbisita sa Los Angeles, kabilang ang kanyang mga outfit at paghahanda para sa fashion show.
Samantala, taliwas sa inaasahan ng ilang fans, hindi rumampa si Catriona sa mismong runway ng Victoria's Secret Fashion Show dahil special guest lamang siya sa event at kabilang sa mga nanood mula sa front row.
Ang rumampa naman sa runway ay ang Filipina-Irish model na si Christina Nadin, na naging ikalawang Filipina model na lumahok sa Victoria's Secret Fashion Show kasunod ni Kelsey Merritt noong 2018. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/cat…
Mahigit 4.5 milyong family food packs na ang inihanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Champi na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas, Martes, at papangalanang Rosal.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, tuloy-tuloy ang paggawa ng family food packs sa kanilang mga pasilidad upang matiyak na may sapat na tulong na agad maipamamahagi sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyo.
Batay sa pinakahuling datos noong Linggo, October 18, mayroon nang mahigit 4.5 milyong family food packs, halos 345,000 iba pang relief items at mahigit 204,000 ready-to-eat food packs na nakahanda sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Dumlao na patuloy ding pinananatiling aktibo ang kanilang mga bodega at sentro ng pamamahagi upang mabilis na makapagpadala ng karagdagang tulong sa mga lokal na pamahalaang mangangailangan nito.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking sapat ang mga relief supply at mabilis na maipararating ang tulong sa mga lugar na maaapektuhan ng kalamidad.
Patuloy namang binabantayan ng DSWD ang galaw ng bagyo na posibleng makaapekto sa Northern Luzon, partikular sa Cagayan Valley at hilagang bahagi ng Ilocos Region, sa pagtatapos ng linggo.
Pinaalalahanan din ng DSWD ang publiko na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na ulat-panahon at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/mah…
Inihahanda na ng House prosecution ang mga dokumento at ebidensiyang posibleng hingin ng Office of the Ombudsman kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Batay sa panayam ng Brigada News FM Manila kay House Prosecutor Rep. Joel Chua, kasalukuyan nang kino-collate ang mga dokumento habang hinihintay ang opisyal na liham ng Ombudsman na magtatakda kung anong mga ebidensiya ang kailangang isumite.
Sinabi ni Chua na handa silang tumugon sa sandaling matanggap ang pormal na request, alinsunod sa kautusan ng Ombudsman.
Dagdag pa niya, posibleng nakasentro lamang sa confidential funds ang hihinging mga dokumento, ngunit kailangan pa nilang hintayin ang opisyal na liham upang matukoy ang eksaktong saklaw nito.
Samantala, kinuwestiyon din ni Chua ang pagde-deny ni VP Sara sa pagkakaroon ng interes sa ilang Jollibee franchises.
Ayon kay Chua, mahirap umanong itanggi ito dahil idineklara mismo ng Bise Presidente sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang pagkakaroon ng interes sa GenCorp.
Matatandaang itinanggi ni Duterte ang pagkakaroon ng ilang Jollibee franchise, sa kabila ng isyung iniuugnay sa kanyang deklarasyon ng interes sa GenCorp sa SALN.
Samantala, binanggit ni Chua ang notice of disallowance ng Commission on Audit (COA), na humihingi ng mga resibong magpapatunay na talagang bumili ng mga gamot, at sinabing wala umanong naihaharap na sapat na ebidensiya ang kampo ni Duterte.
Ayon kay Chua, kung may sapat na ebidensiya ang depensa ni VP Sara kaugnay ng confidential funds, dapat ay inilabas na nila ito noong iniimbestigahan pa lamang ang usapin.
Samantala, kinukumpleto na lamang ng House prosecution ang kanilang formal offer of evidence bago ang deadline sa Oktubre 23. #BrigadaNews
BUONG DETALYE: brigada.ph/articles/read/pag…














